MANILA, Philippines - Hindi na naiuwi pa ng isang ama ang biniling gamot para sa may sakit na anak makaraang barilin ito sa ulo ng isa sa dalawang hindi nakilalang salarin, kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Patawirin ngayon ang buhay sa loob ng East Avenue Medical Center sa Quezon City ang biktimang si Rolando Cordero, 28, ng Block 29 Package 11 Phase 7-C, Brgy. Bagong Silang.
Sa ulat ng Caloocan Police, naganap ang pamamaril dakong alas-7:30 ng umaga sa may NHA Pabahay sa Brgy. 188 Tala. Bumili ng gamot para sa may sakit na anak ang biktima at pauwi na ng bahay nang salubungin ng mga salarin.
Bigla na lamang umanong nagbunot ng baril ang isa sa mga salarin at harapang ipinutok sa ulo ng biktima. Mabilis na tumakas ang dalawang salarin tungo sa hindi mabatid na lugar.
Ayon sa pulisya, maaaring may kaugnayan pa rin ang lumalalang problema sa iligal na droga sa Brgy. Bagong Silang sa Caloocan ang naturang tangkang pamamaslang. Posible umanong inakala ng sindikato ng iligal na droga na isang impormante ang biktima kaya nila tinangkang itumba.