MANILA, Philippines - Mga professional squatting syndicate ang hinihinala ng mga awtoridad na posibleng nasa likod ng pagpatay sa 60-anyos na pinuno ng Community Relations Department ng Carmel Development, Inc. (CDI) sa Caloocan City kamakailan.
Ito’y matapos matukoy ng mga imbestigador sa kaso ng pagpatay kay Ricardo Mago, 60, head ng CDI at residente ng 1483 Barrio San Isidro, Bgy. 188, Tala, Caloocan City, na aabot sa P2-bilyon ang kinikita umano ng squatting syndicate sa Pangarap Village sa Caloocan City, na pinag-aagawan ng CDI at informal settlers.
Sa ipinarating na impormasyon ng mga imbestigador sa sumulat nito, sapat na dahilan umano ang naturang malaking kita upang igiit ng mga sindikato na makapanatili sa Pangarap Village, kahit pa idineklara na ng Korte Suprema na ang may rights o nagma-may-ari sa naturang lupa ay ang CDI.
Mayroong 6,943 informal settlers sa naturang vote-rich area.
Ayon sa CDI, nadiskubre nilang bukod sa illegal na pagpaparenta sa mga informal settlers sa mga bahay doon, ay illegal din umanong ibinibenta ng mga sindikato ang tubig at kuryente.
Sinasabing ang renter-families ay pinagbabayad ng minimum rate na P20 per kilowatt-hour kumpara sa P5.90 per kwh na hinihingi ng Meralco noong Marso, 2014, o may extra charge na P14.10 per kwh.
Ayon sa mga opisyal, ang laki ng kita ng mga squatting syndicate sa illegal na renta at pagbebenta ng tubig at kuryente na aabot sa P21.5M kada buwan o P258M kada taon, ay sapat na rason para illegal na manatili ang mga ito.