MANILA, Philippines - Posible umanong makulong ng hanggang 12 na taon sa Bilibid ang aktor na si Derek Ramsay Jr. kung mapatunayang nagkasala siya ng pang-aabuso sa kanyang asawa’t anak.
‘Yan ang pananaw ni Atty. JV Bautista, matapos umanong labagin ni Ramsay ang probisyon ng Republic Act 9262 or An act penalizing violent acts against women and children. Pagmumultahin rin umano ito ng mula P100,000-P300,000.?
Matatandaang kinasuhan kamakailan si Ramsay ng kanyang sariling asawa matapos aniyang hindi nito suportahan ang kanyang mag-ina sa loob ng mahigit 11 taon. Ikinasal si Mary noong 2001 kay Derek sa Balagtas, Bulacan at matapos lamang ng ilang buwan, naghiwalay sila bunga ng pambubugbog at pambababae ng aktor.
Noong 2002, isinilang ni Mary ang isang sanggol na lalaki. Noong 2010, nagsagawa ng paternity test si Derek at napatunayang anak niya ito. Dalawang beses nagpa-DNA at paternity si Derek.
Sampung taon umanong itinago sa publiko ni Derek ang kanyang mag-ina.
Ayon sa abogadong si JV Bautista, pinarurusahan ng batas ang abusong sikolohikal na ginawa ng isang lalaki laban sa babae, kahit na asawa ito ng biktima.
Sa ilalim ng RA 9262, kinikilala ang babae bilang tao at hindi pag-aari ng isang lalaki.