MANILA, Philippines - Mariing tinututulan ng mga vendors mula sa Blumentritt ang planong paglalagay ng mga tent sa kanilang lugar kasabay ng pahayag na dagdag gastos lamang ito sa kanila.
Ayon kay Rolando Madronio, Acting President ng PIGLAS, dagdag gastos ang P160 kada araw na sisingilin ng city hall lalo pa’t may private sector ang mamumuhunan sa proyekto. Aniya,taliwas umano ito sa pangako sa kanila ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Paliwanag ni Madronio, hindi lahat ng mga vendors ay pare-pareho ng puhunan sa kanilang tinitinda.
Kinondena din ng mga vendors ang umano’y arogante at kabastusan ni Che Borromeo na hepe ng TF Vending nang makaharap nila ito sa Bulwagan ng city hall.
Anila, hindi man lamang sila binigyan ng mas mahabang oras upang mas maliwanagan ang sitwasyon at proyekto.
Umalis si Borromeo sa Bulwagan nang hindi nito mapapayag ang mga vendors.
Inakusahan din ng mga vendors si Alex Morales, Vice Chairman ng TF Vending na contractor ng mga tent sa Divisoria, Quiapo at Blumentritt. Ito anila ang nagpipilit na malagyan ng tent ang mga palengke para sa kanilang pansariling interes.
Mariin namang pinabulaanan ni Morales ang akusasyon sa pagsasabing, mahigpit na ipinagbabawal ni Estrada ang pagkikipagkasundo sa anumang transaksyon ng mga city hall employee at officials.
Paliwanag ni Morales, layon lamang ng city hall at TF Vending na maiayos ang hanay ng mga vendors sa lungsod kasabay ng pagsasaayos ng daloy ng trapiko.
Sa katunayan, hindi rin umano ito panggigipit at dagdag gastos sa mga vendors at sa halip ay pagsawata sa pangongotong ng ilang mga indibidual kabilang na ang mga pulis at barangay officials.
Tiniyak din nito na sa proyekto ng city government mas lalaki ang kikitain ng mga vendor.