MANILA, Philippines - Nasagip ang may siyam na kababaihan, kabilang dito ang apat na menor-de-edad na biktima umano ng human trafficking kung saan lima namang pinaniniwalaang mga bugaw ang inaresto ng operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) kamakalawa ng gabi sa isang barung-barong sa Caloocan City.
Nabatid na ang mga biktima ay pawang biktima ng bagyong Yolanda mula sa lalawigan ng Samar na nakipagsapalaran lamang sa Maynila.
Sa pahayag ni NBI Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) Chief Eric Nuqui, nakatanggap sila ng impormasyon na isang barung-barong na bahay ang tinitirhan ng mga biktima sa may 2nd Avenue ng naturang lungsod.
Matagal din nilang minanmanan ang ilegal na operasyon sa naturang lugar kung saan itinatago aniya ang mga babae sa naturang lugar bago ibinubugaw sa mga naka-check-in sa kalapit na motel.
Huwebes ng gabi ay naglunsad ng rescue operation na nagresulta sa pagkakaligtas sa siyam na biktima kabilang dito ang apat na menor-de-edad.