MANILA, Philippines - Dumanas ng matinding pagbaha sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila dahil sa malakas na ulan simula kamakalawa ng gabi, dahilan upang magsuspinde ng klase sa ilang paaralan.
Sa kabila nang patuloy na pag-ulan kahapon, sa pinakahuling impormasyon na inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay humupa na rin ang pagbaha.
Ayon kay Joey Mañalac, ng MMDA Flood Control and Information Center (FCIC), nabatid na ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila ang binaha partikular sa area ng EDSA, Araneta, Quezon Avenue sa Quezon City at maging ang malaking bahagi ng España sa Maynila kung saan umabot umano hanggang bewang ang tubig.
Kahapon ng ay sinuspinde ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang klase sa lahat ng antas.
Ngunit paglilinaw ni Manalac, may tatlong lugar sa lungsod ng Maynila ang nanantiling nasa gutter-deep ng tubig baha, ito ay ang bahagi ng Abad Santos, Tayuman at P. Burgos ngunit passable naman aniya para sa mga light vehicles. Nadaanan na rin sa lahat ng uri ng sasakayan ang A. Mendoza sa Central Market.
Sa bahagi ng Caloocan, binaha rin ang bahagi ng Pajo at Juan Luna na nasa pagitan ng Caloocan at Maynila ngunit ito’y nadaanan na rin kahapon ng lahat ng uri ng sasakyan.
Nagsuspinde rin kahapon ng klase ang pamahalaang lungsod ng Pasay, ito ay ang mula sa pre-school hanggang high school.