MANILA, Philippines - Dumating sa bansa kahapon ang ilang eksperto mula sa Hong Kong upang inspeksyunin ang Metro Rail Transit-3 (MRT-3).
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng MRT-3 at ng Light Rail Transit Authority (LRTA), tutulong ang mga naturang eksperto sa pag-assess sa mga improvement na dapat gawin sa rail system.
Isa aniya ito sa mga hakbang na ginagawa ng pamunuan ng MRT-3 para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Una na ring ibinaba ng MRT-3 sa 40 kilometers per hour (kph) mula sa dating 50 kph ang takbo ng bawat tren upang maiwasan ang anumang problema dito.
Matatandaang sunud-sunod ang aberyang naganap sa mga tren ng MRT-3.
Ang pinakamalala ay naganap noong Agosto 13 kung saan isang tren nito ang nadiskaril sa EDSA-Taft Avenue Station sa Pasay City, na ikinasugat ng may 34-katao.
Nitong Sabado naman ng tanghali ay dumanas ng communication glitch ang MRT-3 sanhi upang matigil ang operasyon nito at naibalik lamang sa normal nitong Linggo ng madaling- araw na.