May-ari ng paupahang silid, nilikida

MANILA, Philippines - Pinabulagta ang 51-anyos na biyudang may-ari ng paupahang silid makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki na nagkunwaring uupa ng kuwarto sa Barangay Balingasa,  Quezon City kamakalawa.

Kinilala ni PO3 Louie Serbito ang napatay na si  Efipania Cuya.

Naganap ang krimen sa unang palapag ng bahay ng biktima sa  Sto. Cristo Street sa nasabing barangay.

Ayon kay Anthony Balagtas, isa sa nangungupahan na dumating ang suspek at nagtanong sa kanya kung may available pang kuwarto na pinapaupahan ang biktima.

Upang makasiguro, nagpasya si Balagtas na tawagin ang biyuda na nasa ikalawang palapag ng bahay.

Sumilip naman ang biktima sa hagdan at tumingin sa ibaba pero nang makita siya ng suspek ay bigla siyang pinagbabaril.

Agad na tumakas ang suspek matapos ang krimen, habang ang biktima naman ay isinugod ng kanyang manugang na si Regina Tranilla sa Quezon City General Hospital pero idineklarang patay.

Narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng cal. 40 pistol.

Show comments