MANILA, Philippines - Dalawang holdaper, na sinasabing miyembro ng notoryosong ‘Tutok Kalawit gang’ ang inaresto ng mga awtoridad matapos na holdapin ng mga ito ang isang empleyadong naglalakad sa Pasig City, kamakalawa ng gabi. Isa sa mga suspek ay nakilalang si Mike Norlan Cruz, 23, ng Brgy. Rosario, Pasig City, habang ang kasamahan nito na 17-anyos lamang ay itinago sa pangalang Lito. Batay sa ulat ng Pasig City Police, nabatid na nag-ugat ang pag-aresto sa reklamo ng biktimang si Jomel Valloso, 21, ng Cainta, Rizal.
Sa reklamo ni Valloso kay PO3 Laurence Punzalan, ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB), nabatid na naganap ang panghoholdap pasado alas-6:00 ng gabi sa Rosario Bridge sa Brgy. Rosario. Nagulat na lang umano ang biktima nang habang naglalakad ay sabayan at akbayan siya ng mga suspek sabay tutok ng patalim sa kanyang tagiliran at nagdeklara ng holdap. Tinakot umano ng mga suspek ang biktima na sasaksakin kung papalag at hindi mapapamahak kung kusang ibibigay ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P8,000, relo na nagkakahalaga ng P350 at silver necklace.
Nang papatakas na ang mga suspek ay saka lamang nagawang magsisigaw at humingi ng tulong ng biktima, na nakatawag pansin naman sa mga pulis sa barangay. Kaagad na rumesponde ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.