MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang traffic enforcer matapos nitong kikilan ang isang piloto, kamakalawa sa Pasay City.
Nasa custody ngayon ng Pasay City Police ang suspek na si Darell Ropan, 35, ng E. Rodriguez St., Malibay ng naturang lungsod, miyembro ng Pasay Traffic and Parking Management Office (PTPMO).
Kinilala naman ang complainant nito na si Anthony Gabriel Divino Flores, 25, ng Marquez St., Brgy. Bagong Anyo, Dolores, Quezon.
Sa pahayag ng biktima sa Pasay City Police, naganap ang insidente alas-4:30 ng hapon sa may Taft Avenue ng naturang lungsod.
Ayon dito, minamaneho niya ang kanyang Toyota Vios na may conduction sticker YB-7965 at kasama niya ang kanyang girlfriend at habang binabaybay nila ang Rotonda-EDSA, patungong north-bound lane nang bigla silang parahin ng suspek.
Sinita umano sila kung bakit conduction sticker lamang ang nakakabit sa kanyang kotse dahilan upang makiusap ito sa suspek at dito na siya sinabihan na magbigay na lamang ito ng P500.00 upang makuha nito ang lisensiyang nakumpiska sa kanya.
Nagbigay naman ang biktima ng naturang halaga at pagkatapos ay nagtungo ito sa Station Operation Unit (SOU) ng Pasay City Police upang ireklamo ang naturang enforcer na nagresulta nang pagkakadakip dito.