MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya na wala silang pinagtatakpan sa lumabas na resulta ng imbestigasyon sa pagkadiskaril ng tren ng Metro Rail Transit (MRT-3) sa EDSA-Taft Avenue Station nito sa Pasay noong Agosto 13, na nagresulta sa pagkasugat ng may 34 na katao.
Ayon kay Abaya, ‘human error’ talaga at hindi maintenance ang naging sanhi ng aksidente. Ginawa ni Abaya ang pahayag kasunod ng mga naglutangang haka-haka na ibinunton na lamang nila sa kakasuhang dalawang train operator at mga control center personnel ang insidente.
Matatandaang lumitaw sa imbestigasyon na hindi nasunod ang tamang coupling procedure, lumabag sa 15 kilometers per hour (kph) speed limit ang nag-asisteng tren at hindi pagtupad sa protocol na sa pinakamalapit na istasyon dadalhin ang distressed train. Wala rin umanong tamang koordinasyon ang mga drivers at control center personnel na nagresulta sa aksidente.
Paliwanag pa ni Abaya, nang imbestigahan ang pagkadiskaril ng tren ay pinatutukan niya ang anggulong pagkukulang ng maintenance contractor ng MRT na APT Global.
Hinayaan aniya niya ang kanyang mga tauhan na mag-imbestiga ng todo at tingnan ang lahat ng anggulo, lalung-lalo na ang bahagi ng maintenance, upang makita kung may pagkukulang sila.
Gayunman, human at procedural error aniya ang siyang lumutang sa imbestigasyon.
Sa ngayon tanging ang mga contractual na empleyado ang inirekomendang maharap sa administrative case sa Legal Department ng ahensya ngunit tiniyak na kung may lulutang pang pangalan ng mas mataas na opisyal na dapat isama sa kakasuhan ay isasama aniya ito.
Samantala, iginiit naman ng APT Joint Venture, maintenance contractor ng MRT-3, na hindi nila kasalanan ang pagkadiskaril ng tren, kasunod nang pagpupukol ng sisi sa kanila.
Ayon kay Engr. Alan Ortecio, tagapagsalita ng APT, bago ibiyahe ay tinitiyak nilang operational at maganda ang kondisyon ng mga tren ngunit hindi rin naman aniya maiiwasang paminsan-minsan ay tumitirik ang mga ito, dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad na lamang ng pagpalya ng power supply, aberya sa makina ng tren at iba pa.