MANILA, Philippines - Isang electrician ang patay makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin habang ang una ay dadalaw sana sa kanyang kumare sa may Brgy. Holy Spirit, lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PO2 Jogene Hernandez, may-hawak ng kaso, dakong alas-8:30 ng gabi nang barilin ang biktimang si Marlon Bundac, 37, ng BF Road, ng nasabing barangay.
Hindi naman natukoy ang salarin na tumakas sakay ng isang motorsiklo, matapos ang pamamaril.
Sabi ni Hernandez, papunta ang biktima sa bahay ng kanyang kumareng si Julie Cabriega nang bigla itong tambangan ng salarin.
Base sa pahayag ni Cabriega, nasa loob siya ng kanyang bahay nang marinig niya ang tatlong putok ng baril mula sa labas.
Nang kanyang tignan ay saka bumulaga sa kanya ang duguang katawan ng biktima habang nakahandusay sa lugar, habang isang motorsiklo naman ang papalayo sa nasabing lugar.
Dagdag ni Hernandez, base sa pahayag ng ilang residente ang biktima umano ay nagkakabit din ng iligal na kuryente, at kaya ito naroon sa lugar ay upang maningil.
Ang nasabing isyu ang iniimbestigahan ngayon ni Hernandez na may kinalaman sa nasabing krimen.