MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang parak na itinurong pinagmulan ng shabu na nakumpiska sa unang nadakip na suspek sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nadakip na sina PO3 Jessie Villanueva, alyas Boy Bayawak, na may nakabimbing kaso at summary dismissal kaugnay sa kasong extortion at dating nakatalaga sa Manila Police District-Station 2 at SPO1 Lovely Bacani, Northern Police District (NPD) at dati ring naka-assign sa MPD headquarters.
Sa ulat ni Senior Inspector Rommel Geneblazo, hepe ng MPD-Anti-Carnapping, alas-2:30 ng madaling-araw nang hulihin ang dalawang pulis sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.
“Sagasa lang ’yung operasyon namin sa kanila kasi me nahuling carnapper at nakuhanan ng shabu, na nagturo naman na galing ang shabu kay PO3 Villanueva kaya inoperate na rin ng mga tauhan ko,” ani Geneblazo.
Nabatid na bandang alas- 11:00 ng gabi nang magsagawa ng spotting operation ang mga awtoridad sa panulukan ng Fugoso at Alonzo St., Sta. Cruz, Maynila kung saan sinita ang dalang Yamaha Mio ng suspek na si Larry Santiago.
Umamin umano si Santiago na karnap ang motorsiklo at inginuso nito ang isang alyas Nonoy na kasama sa pangangarnap. Nang rekisahin at kapkapan ay narekober dito ang plastic sachet ng shabu.
Nang kumpiskahan ng cellphone ay natuklasan sa mga message ang transaksiyon na pinagre-remit umano ng pera sa droga si Santigao ni PO3 Villanueva.
Nang tumulak ang grupo para tugisin si alyas Nonoy ay namataan umano si Villanueva sa bahagi ng Tayuman St., sa Tondo, Maynila na minamaneho ang kanyang motorsiklo na walang plate number. Sa puntong iyon ay kinapkapan umano si PO3 Villanueva na nakunan ng dalang shabu na may timbang na 4.9 gramo.
Nang kunin naman ng mga operatiba ang cellphone ni PO3 Villanueva, lumabas sa palitan ng mensahe nila ni SPO1 Bacani na idedeliber sa huli ang shabu.
Nagawa namang ipahatid pa kay PO3 Villanueva ang nasabing shabu kay Bacani at doon na rin ito inaresto.
Pawang nakadetine sa MPD-ANCAR ang dalawang pulis at sibilyang karnaper, na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act of 2002) habang may kasong carnapping pa ang ihaharap kay Santiago.
Patuloy pang hinahanting si alyas Nonoy na kasabwat sa pagkarnap ni Santiago sa Yamaha Mio.