MANILA, Philippines - Isang negosyante ng ‘buy and sell’ ang hinoldap at binaril pa ng riding-in-tandem habang kumakain sa isang restaurant sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng bala sa kaliwang hita at ginagamot sa Metropolitan Memorial Medical Center ang biktimang si Ivan Matanom, 48, residente ng Tindalo St., Tondo. Natangay sa kanya ang suot na gintong kwintas, pitaka na hindi pa batid ang halaga at cellphone. Hindi naman umano naplakahan ang motorsiklong sinakyan ng dalawang lalaking suspek na armado ng baril.
Sa ulat mula sa Manila Police District-Station 3, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Atoy’s Grill na matatagpuan sa panulukan ng T. Mapua at Alvarez Sts., Sta. Cruz, Manila habang ang biktima ay kumakain sa loob ng restaurant nang dumating ang magka-angkas na suspek at dali-dali itong nilapitan.
Tinutukan ng baril at saka puwersahang kinuha ang kanyang gintong kuwintas, dalawang cellphone at pitaka. Bago iwan ang biktima, binaril pa ito sa hita ng isa sa dalawang suspek na marahil ay upang hindi na makahabol.