MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) ang dalawang holdaper na miyembro ng “Dura-dura Gang” makaraang mambiktima ng mga pasahero ng isang jeep, kahapon ng tanghali sa Monumento, Caloocan City.
Iprinisinta kahapon ni DPSTM chief, Larry Castro kay Mayor Oscar Malapitan ang mga suspek na nakilalang sina Edgardo Baisa, 44; at si Noel Aragon, 43, kapwa residente ng Dagat-dagatan, Malabon.
Sinampahan naman ng kasong robbery hold-up ang mga suspek ng tatlong biktima sa pangunguna ni Alvin Miralles, 21, isang dish- washer, at residente ng BNBA Second Street, 5th Avenue, Caloocan.
Sa salaysay ni Miralles, bumibiyahe siya sa may Monumento sakay ng jeep nang duraan sa balikat ng isa sa mga suspek na nagpanggap na pasahero. Nang magkagulo, dito nanamantala ang mga kasabwat na dinukutan ang isa sa mga pasahero habang tinutukan naman ng patalim si Miralles upang hindi siya pumalag.
Nang bumaba ang mga suspek, dito na humingi ng saklolo si Miralles sa mga naka-duty na traffic enforcers na agad namang rumesponde at nakorner ang dalawang suspek sa kanto ng Rizal Avenue at EDSA.