MANILA, Philippines - Patay ang isang 54-anyos na make-up artist makaraang pagtulungang saksakin at bugbugin ng anak ng kanyang kinakasama at lover nito, kamakalawa ng gabi sa lungsod Quezon.
Nakilala ang biktima na si Alden Resoco, 54, na hindi na umabot pang buhay makaraang isugod sa pagamutan.
Mabilis namang tumakas ang mga suspect na sina Daryl Diamante at ang umano’y lover nitong kinilala lamang na isang Mark Joseph matapos ang isinagawang krimen sa Brgy. Old Balara sa lungsod.
Ayon kay Chief Inspector Rodel Marcelo, hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit na ang insidente ay naganap dakong alas-8 ng gabi sa labas ng bahay ng biktima.
Ayon sa pulisya si Resoco at Diamante ay kapwa make-up artist nang magkaroon ng mainitang pagtatalo.
Sinasabing kinompronta ni Resoco si Diamante na anak ng kinakasama ng una tungkol sa umano’y pakikipagrelasyon nito sa suspect na si Mark Joseph.
Dito na umano pinagsasaksak ni Diamante ang ‘ama-amain’ ng basag na bote kung saan tumulong pa ang sinasabing lover na si Mark Joseph.