Adik na ama, nag-amok: Anak, 2 pa sinaksak

MANILA, Philippines - Arestado ang isang 30-anyos na adik na nag-amok at pinagsasaksak ang tatlong menor-de-edad kabilang ang kanyang paslit na anak sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.

Nakapiit na sa Delpan Police Community  Precinct (PCP) ang suspek na si Kennedy Borilla, residente ng Asuncion St., Tondo, Maynila.

Ginagamot naman sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang mga biktimang sina Jennelyn, 6, anak ng suspek; Roselle Joy, 5, pinsan ni Jennelyn; at Ellen Luz, 14, kapitbahay ng suspek.

Sa ulat ni Delpan PCP commander Senior Insp. John Guiagui, dakong alas- 12:00 ng tanghali kahapon nang maganap ang insidente sa bahay ng suspek.

Sa imbestigasyon, may hawak umanong basag na bote ang suspek na sinasabing sabog sa droga nang saksakin sa itaas na bahagi ng kaliwang dibdib ang anak na si Jennelyn at halos maputol umano ang daliri nito nang muling­ atakehin ng ama.

Nang makita ng suspect sina Roselle Joy at Ellen Luz ay inatake rin ito ng saksak ng basag na bote.

Rumesponde naman sa insidente ang mga tauhan ng MPD-Station Delpan at nadakip  ang suspek. Inihahanda na ang kaso laban dito.

Show comments