MANILA, Philippines - Isang umano’y nagpakilalang pulis ang inireklamo sa Manila Police District (MPD) makaraang tangayin ang cellphone ng isang motorista na tinangka nitong kotongan kapalit ng hindi pag-aresto sa kanya sa paninigarilyo sa loob ng kanyang nakaparadang kotse sa Sampaloc, Maynila, noong nakalipas na Martes.
Sa reklamo ng 22-anyos na biktimang si Mark Paul Clutario, ng Sampaloc, Manila, isang nagpakilalang SPO2 Ramos na nakasuot umano ng uniporme at jacket ang sumita sa kanya hinggil sa kanyang paninigarilyo sa loob ng sasakyan dakong alas-7:00 ng gabi sa panulukan ng A. Mendoza at Alvarez Sts., Sampaloc, Maynila.
Pinagsabihan umano siya na bawal ang kanyang ginagawang paninigarilyo at maaari umanong hulihin at magmulta ng P35,000.
Nakiusap siya na huwag siyang arestuhin kasabay ng pagtatanong kung magkano ang kaya niyang ibigay hanggang sa magkasundo sa halagang P1,000.
Wala umanong pera ang biktima sa oras na iyon kaya sinabihan ang pulis na mag-withdraw muna siya sa automated teller machine (ATM) subalit habang hawak umano ng pulis ang kanyang cellphone ay biglang pinasibad na ng huli ang motorsiklo tangay ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P8,000.