MANILA, Philippines -Nagdulot nang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng south-bound lane ng South Luzon Expressway (SLEX) ang nagliyab na isang pampasaherong bus, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Ayon sa report na natanggap ng SLEX Corporation, isang pampasaherong bus na may plakang TWD-648 ang nagliyab.
Nabatid na sa bandang Santolan, Quezon City pa lamang ay nakaamoy na ang driver at pasahero ng kakaibang amoy sa likurang bahagi nito. Dahil dito, pinababa na ang mga pasahero para sa kanilang kaligtasan. Pagsapit ng bus sa may service road area ng Nichols, Pasay City pasado alas-5:00 ng umaga ay tuluyan na itong nagliyab.
Mabuti naman at kaagad nakalabas ang driver at konduktor at wala namang napaulat na may nasugatan sa insidente, gayunman nagdulot lamang ito ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng south-bound lane ng SLEX. Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente kung ano ang dahilan kung bakit nagliyab ang naturang bus.