MANILA, Philippines - Hindi pa tiyak kung kailan magtataas ng pasahe ang mga linya ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (LRT).
Ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC), hindi pa sila nagtatakda ng petsa kaugnay sa implementasyon ng P11 + 1 fare increase para sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3.
Taong 2010 pa nang magpahayag ng plano ang Light Rail Transit Authority (LRTA) at MRT-3 na itaas ang pasahe sa mga naturang linya ng tren ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito naipatutupad.
Sinabi naman ng DOTC na ang panukalang taas-pasahe ay sumailalim na sa dalawang public consultations.
Nauna rito, inihayag ng aktibistang grupong Bagong Alyansang Makabayan na maaaring sa Agosto ay magtaas na ng pasahe ang LRT. Taong 2003 nang huling magtaas ng pasahe ang LRT.
Ang LRT-1 ang nag-uugnay sa Baclaran, Parañaque sa Roosevelt, Quezon City, habang ang LRT Line 2 naman ang nagdudugtong sa Santolan sa Pasig City at C.M. Recto St. sa Maynila.