Impormante itinumba ng ‘tulak’ sa droga

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki na pinaghihinalaang impormante ng mga pulis nang pagbabarilin ng itinuturong kilabot na ‘tulak’ ng iligal na droga sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Hindi na umabot ng buhay sa Jose Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tama ng bala sa ulo si William Araza, 43, ng Excess Lot, Bagong Silang, ng naturang lungsod.

Agad namang nakatakas ang salarin na nakilala lamang sa alyas Soaib, residente ng Phase 7-C, Bagong Silang, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:40 ng hapon nang puntahan ni Araza ang kaibigang si Vicente Nicol sa Phase 7-C, Bagong Silang, upang imbitahin sa nalalapit na selebrasyon ng kanyang kaarawan.

Nag-uusap ang biktima at si Nicol nang biglang lumapit ang salarin at walang salitang pinaputukan  ng baril ang biktima sa ulo ng malapitan.  Agad na tumakas ang salarin makaraan ang pamamaril.

Sinabi naman sa mga imbestigador ng live-in partner ng biktima na nakakatanggap na ng pagbabanta si Araza buhat kay Soaib nang akusahan ang kanyang kinakasama na siya umanong nagtuturo sa mga pulis sa mga drug pusher sa kanilang lugar.

Nagkasa naman ng follow-up operation ang Caloocan Police upang madakip si Soaib ngunit nabigo ang mga pulis.  Hinihinala naman na umalis na ng Caloocan at nagtago na sa ibang lugar.

 

Show comments