Ayaw paawat sa videoke ginang, tinarakan ng hindi makatulog na kapitbahay

MANILA, Philippines - Kritikal sa pagamutan ngayon ang isang ginang makaraang saksakin ng kanyang dalagang kapitbahay matapos ang pagtatalo dahil sa ingay na likha ng kantahan gamit ang videoke ng grupo ng una, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nakaratay ngayon sa East Avenue Me­dical Center dahil sa malalim na saksak sa sikmura ang biktimang si Margie Guab, ng Matias Compound, Llano Road, Brgy. 167, ng naturang lungsod.

Nahaharap naman ngayon sa kasong frustrated homicide ang suspek na nakilalang si Jenilyn Palay, 27, sales lady at nakatira rin sa naturang compound.

Sa ulat, umarkila umano ang grupo ni Guab ng videoke machine at nagkantahan sa naturang compound bilang selebrasyon sa kaarawan ng isa sa kanilang kaibigan.

Hindi naman makatulog ang suspek na si Palay na ma­aga pa ang pasok sa trabaho kina­umagahan kaya binaba nito ang grupo dakong alas-9 ng gabi at sinita sa nililikha nilang ingay.  Dahil sa mga lango na sa alak, hindi na mapakiusapan ang grupo ng biktima na humantong sa pagtatalo sa pagitan nina Palay at Guab.

Muling pumasok sa kanyang bahay si Palay at nang bumalik ay walang sabi-sabing tinarakan ng saksak sa sikmura ang biktima.

Agad na sinaklolohan ng mga kaibigan at kaanak si Guab na mabilis na naisugod sa pagamutan habang hindi na nakatakas si Palay na nasakote ng mga rumespondeng mga barangay tanod.

 

Show comments