MANILA, Philippines - Isang sangay ng Bank of the Philippine Island na nasa EDSA sa Quezon City ang pinasok ng mga magnanakaw, subalit tanging dalawang baril na naiwan ng security guards lamang ang natangay, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Superintendent Osmundo De Guzman, hepe ng Quezon City Police District-Station1, nanatiling intact ang vault ng banko matapos madiskubre ito ng mga empleyado ganap na alas-8 ng umaga kahapon.
Nadiskubre ang pagnanakaw nang mapuna ng mga kawani ang isang butas sa bandang kisame ng banko.
Sabi ni De Guzman, tanging ang natangay ng mga suspek ay dalawang kalibre .9mm pistola na naiwan sa loob ng banko na matatagpuan sa kahabaan ng Edsa, Brgy. Apolonio Samson.
Pero sa halip na sa kisame, nagawang makapasok ang mga suspek sa bangko sa pamamagitan ng bintana na nasa kusina.
Dagdag ni De Guzman, maaaring ang butas na nasa kisame ay ginawa ng mga suspek sa paniwalang ito ang daan patungo sa loob ng vault.
Sinabi pa ng opisyal, ang alarma ay itinaas mula sa banko at nadetek ito ng security personnel ganap na alas-9 ng Linggo ng umaga. Posibleng ang pagnanakaw ay nangyari ng nasabing oras.
Pero nang tignan ng security personnel ang banko ay wala namang silang nakitang kakaiba sa loob. Tinignan pa ng security personnel ang lugar nang gabi at napuna na ang banko ay walang suplay ng kuryente.