MANILA, Philippines - Patay ang isang 14-anyos na 2nd year high school student matapos umanong mahulog sa hagdan ng kanilang paaralan habang ito ay nagse-selfie sa Pasig City, kamakalawa ng umaga.
Kahapon lamang inireport sa pulisya ang nangyaring insidente sa loob ng Rizal High School sa Pasig City.
Tumanggi ang pulisya na ibigay ang pangalan ng biktima dahil sa pagiging menor-de-edad nito.
Ayon kay Pasig Police Chief Senior Supt. Mario Rariza, alas-10:21 ng Lunes ng umaga nang mangyari ang pagkahulog ng biktima sa hagdan ng paaralan habang ito ay nagse-selfie.
Sinasabi sa report na nahilo at nawalan ng balanse ang estudyante habang kinukunan ang sarili kasama ang isang kaklase sa hagdanan sa ikatlong palapag ng IR Building ng paaralan.
Naitakbo pa ang biktima sa Rizal Medical Center Hospital ngunit nalagutan din ng hininga makalipas ang isang oras dahil sa pinsalang natamo ng kanyang katawan kabilang ang putok sa ulo, pasa sa tagiliran at nabali ang tadyang.
Ayon sa report, ang insidente ay naganap sa oras ng klase pero wala ang kanilang guro kaya nakalabas ng klasrum ang mga mag-aaral at doon nag-selfie ang biktima.
Nakatakdang iuwi ng Brgy. San Gabriel sa Laurel, Batangas ang labi ng mag-aaral para doon ilibing.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang Pasig City police upang mabatid kung may ‘foul play’ sa nasabing insidente.
Wala pang pahayag ang mga kinauukulang opisyal ng Rizal High School, maging ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) hinggil sa nasabing insidente.