Bungangera tinarakan, ng live-in partner

MANILA, Philippines - Dahil umano sa matinding pagbubunganga, kritikal ang isang babae  nang pagsasaksakin ng kanyang live-in partner na inakusahan ng una na nambababae, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Isinugod sa Caloocan City Medical Center dahil sa tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang nakilalang si Maria Santiago, 30, ng Libis Espina, Brgy. 18, ng naturang lungsod.

Kasalukuyan namang nakapiit sa detention cell ng Caloocan City Police at nahaharap na sa kasong frustrated homicide ang nadakip na suspek na si Eulalio Villarosa, 36, naninirahan din sa naturang lugar.

Base sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas- 10:30 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima.  Unang narinig ng mga kapitbahay ang mainitang pagtatalo ng dalawa ukol sa akusasyon ng pambababae ni Villarosa.

Bigla na lamang umanong nagsisigaw ng saklolo ang biktima nang pagsasaksakin na ito ng suspek.  Mabilis na tumakas ang suspek ngunit hinabol ito ng ina ng biktima at nagawang makahingi ng tulong sa mga tambay sa lugar na naging daan upang makorner at maaresto ito.

Show comments