MANILA, Philippines - Plano na umanong umatras ng De La Salle-College of Saint Benilde (CSB) sophomore student na si Guillo Cesar Servando sa fraternity at sa hazing subalit tinakot ito na papatayin.
Kasabay naman nito, inihayag ng Manila Police District kahapon na Tau Gamma Phi fraternity at hindi Alpha Kappa Rho (Akrho) ang sangkot sa hazing na ikinasawi ng 18-anyos na si Servando.
Sa isinagawang press conference ni MPD director C/Supt. Rolando Asuncion at MPD-Homicide Section, chief, Senior Insp. Steve Casimiro, nilinaw nito na ang mga initiator ay hindi mula sa UST na unang napaulat kundi pawang nagmula o estudyante rin mismo ng Saint Benilde.
Ayon naman kay Dante Jimenez, founding chairman Volunteers Against Crime and Corruption, na pinagbantaan si Servando na papatayin kung magku-quit sa pagsama sa fraternity.
Ito ang kanyang nalaman matapos umanong makausap ng pamilya ni Servando ang iba pang biktima na sumailalim din sa initiation rites noong Sabado.
Ayon kay Jimenez na malapit sa pamilya, nagmamakaawa na umano si Servando na huwag na siyang isailalim sa hazing at sa fraternity subalit tinakot ng lider ng grupo na papatayin kung magba-backout.
Sinabi ng pulisya, na ibinunyag ng isa sa tatlong biktimang sugatan na Tau Gamma Fraternity at hindi Akrho ang nagsailalim sa kanila sa pagpapahirap na ikinamatay ni Servando. Ang initiator umano ay hindi mula sa UST kundi mismong sa kanilang paaralan ang Saint Benilde.
Sinabi pa ni Asuncion na ngayong araw ay isusumite na ng mga sugatang biktima ang kanilang testimonya at affidavits na magtutukoy sa kung sinu-sino ang sangkot sa nasabing insidente, kung saan isinagawa ang ‘initiation’, anong oras at kung paano ang isinagawang pagpapahirap.
Ayon pa kay Asuncion, nasa 11 ang suspek na kanilang inaalam ang pangalan, gayunman, tatlo na dito ang kanilang tukoy kabilang ang mga menor de edad na suspek, na kasalukuyang iniimbestigahan.
Nakikipagtulungan na rin sa imbestigasyon ang pamilya ng mga biktima maging ang Dela Salle-College of Saint Benilde para sa ikalulutas ng kaso.
Hawak na ng MPD, na ipinakita kahapon sa media ang footage ng closed circuit television (CCTV) kung saan makikita ang tatlong lalaki na hinihila palabas ng isang room o unit ang biktimang si Servando, sa One Archers Palace sa panulukan ng Taft Avenue at Castro St., sa Malate, ilang hakbang ang layo mula sa main campus ng DLSU.
Pag-aari umano ng isang John Paul Raval ang nasabing unit na anak ng isang retired general, na kabilang din umano sa biktima.
Makikita sa footage na buhay pa si Servando, habang pilit na itinatayo sa pagkakahiga na hinihila ng tatlong lalaki palabas ng kuwarto at sa corridor na nakita ding naabutan sila ng unipormadong security guard ng condominium, bandang alas-9:32 ng gabi hanggang sa dumating na umano ang mga pulis alas-12:30 ng madaling-araw ng Linggo at dumating ang responde ng Philippine Red Cross ala- 1:05 ng umaga.
Samantala, nilinaw ni Asuncion na kung matutukoy na ngayong araw kung saan naganap ang hazing at lalabas na hindi sa Maynila ito nangyari, itu-turn over nila ito sa ibang investigation unit ng district na sumasakop sa pinangyarihan, alinsunod sa isyu ng jurisdiction.