Dalaga tinarakan ng madrasta

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang dalaga nang saksakin ng kanyang stepmother habang nagtatalo ang mga ito sa loob ng kanilang bahay sa Navotas City kamakalawa.

Ginamot sa Tondo Me­dical Center sanhi ng tinamong saksak sa kaliwang bahagi ng hita  ang bik­timang si Analiza Basaner, 18, taga-Tulay Uno, Brgy. Daanghari ng naturang lungsod.

Nakakulong naman nga­yon sa Navotas City Police detention cell ang suspek na si Donna Tumalabcad, 38, ng nasabi ring lugar.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Criminal Investigation Division (CID), Navotas City Police, naganap ang insidente alas-2:00 ng hapon sa loob ng kanilang bahay sa naturang lugar.

Nauna rito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa sa hindi pa malamang dahilan na nauwi sa pana­naksak ng madrasta sa biktima.

Kahit sugatan ang biktima ay nagawa nitong makatakbo at makahingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay  na nagsugod sa kanya sa pagamutan. 

Nadakip naman ang suspek nang  rumes­pon­deng mga pulis at nakatakda itong sampahan ng kaso.

 

Show comments