Shabu isiningit sa bagahe, nasabat ng Coast Guard

MANILA, Philippines - Hindi nakalusot sa K-9 unit ng Philippine Coast Guard ang tatlong sachet ng iligal na droga na isiningit sa LBC package  na naglalaman ng sapatos na bitbit ng isang  21-anyos na babae,  mula sa LBC padala center sa Aparri, Cagayan noong nakalipas na Biyernes (Hunyo 20).

Agad kinumpiska ang nasabing iligal na droga o shabu na nagkakahalaga ng P40,000 ng K-9 Unit  Coast Guard District Northeastern Luzon (CGDNELZN).

Upang makatiyak, natunugan umano ng Police Aparri ang nasabing package na naglalaman ng iligal na droga kaya humingi ng assistance sa CGDNELZN K-9, kung saan positibong itinuro sa mga awtoridad ng trained dogs ang iligal na droga na nakatago sa LBC package  na nakasiksik sa sapatos  at bitbit na ng nag-claim ng package na si Paulalyn N. Magtalas,  resideine ng Brgy. Macanaya, Aparri, Cagayan.

Nabatid na nagmula sa Maynila ay ibiniyahe ang package at kinuha ito sa LBC padala center sa Aparri  ng claimant na si Magtalas.

Hawak na ng PNP-Aparri si Magtalas para sa paghahain ng kasong may kaugna­yan sa iligal na droga.

 

Show comments