Lalaki galing sa hearing, pinabulagta

MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang riding-in-tandem na kri­minal makaraang pagba­barilin ang isang lalaki na kagagaling lamang sa bista nito sa korte sa lungsod ng Caloocan, kamakalawa ng umaga.

Isinugod pa sa Caloocan City Medical Center pero hindi na umabot pang buhay ang biktimang si Julito Mulo, 34, ng P. Halili St., Barrio San Jose, ng naturang lungsod.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, kagagaling lamang sa pagdalo sa bista ng kanyang kasong qualified theft na isinampa ng dating amo si Mulo at kalalabas lang sa Hall of Justice nang maganap ang pananambang dakong alas-9:45 ng umaga.

Sakay ang biktima ng motorsiklo at angkas ang live-in partner na si Mary Grace Bataring nang dikitan ng mga salarin na magkaangkas d in sa isang motorsiklo sa may kanto ng 8th at Rizal Avenue at saka sunud-sunod na pag­babarilin.

Nakunan naman ng closed circuit television (CCTV) camera  na nakakabit sa naturang lugar ang pamamaslang ngunit hindi rin namukhaan ang mga salarin dahil sa kapwa nakasuot ang mga ito ng helmet.

Inaalam naman ngayon ng mga imbestigador kung may kaugnayan ang kinakaharap na kaso ng biktima sa naganap na pamamaslang.

Show comments