Shabu sa noodles: Bebot timbog

MANILA, Philippines - Arestado ang isang 28-anyos na babae nang tangkain nitong ipasok sa loob ng detention cell ng Camp Bagong Diwa ang noodles na may lamang shabu, kamakalawa ng hapon sa Taguig City.

Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dange­rous Drug Act sa Taguig City Prosecutors Office  ang suspek na si Mary Ann de Leon, ng Alonzo St., Malate, Manila makaraang makumpiska sa kanya ang tatlong bulto ng shabu na nakapaloob sa isang Korean noodles na may halagang  P30,000.

Lumalabas sa pagsisiyasat ni SPO1 Napoleon Tongco,  ng Station Anti-Illegal­ Drugs Special Operation­ Task Group (SAID-STOG) ng Taguig City Police, sumakay ng taksing minamaneho ni Percival Guingal si de Leon, kasama ang isang dayuhang Koreano sa Malvar St.,Malate, Manila at nagpahatid sa Camp Bagong­ Diwa pasado alas-4:00 ng hapon.

Pagsapit nila sa gate ng Camp Bagong Diwa, bumaba ang dayuhan at inutusan si de Leon na siya na ang magbitbit ng noodles para sa hindi pa nakikilalang bilanggo na nakapiit sa detention cell ng Bureau of Immigration (BI).

Gayunman, bago pa ma­kapasok sa detention cell si De Leon, sinuri  nina Rodri­go Oamil Jr.  at Francisco Pecaoco, mga confidential agent ng BI ang noodles at nakita sa loob nito ang tatlong bulto ng shabu.

Napag-alaman na hindi halatang nabuksan na ang noodles dahil maayos ang pagkakalagay ng shabu sa loob,  subalit hindi pa rin ito nakalusot sa pagsusuri ng mga tauhan ng BI.

Aminado naman si De Leon na gumagamit siya ng droga subalit hindi umano siya nagbebenta nito.

Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan sa Koreanong kasama ni de Leon na mabilis na nakapuga upang maisama rin sa demanda.

 

Show comments