Hindi naipasok ng trabaho, nanaksak

MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki nang saksakin ito ng kanyang kalugar matapos magalit ang huli dahil hindi siya naipasok sa trabaho ng biktima, kama­kalawa sa Caloocan City.

Nilalapatan ngayon ng lunas sa Caloocan Medical Center sanhi ng mga saksak ng ice pick sa dibdib at beywang ang biktimang si Rodolfo Muncal, 43,  ng Dimasalang St., Maypajo ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na nakilala lamang sa alyas “Jess”.

Base sa report na natanggap ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-5:45 ng hapon sa Dimasalang St., Maypajo habang  naglalakad ang biktima pauwi sa kanilang bahay, nang salubungin ito  ng suspek at tanungin kung maipapasok nito ang huli sa pinagtatrabahuhan ng una bilang construction worker.

Sumagot ang biktima na hindi kakayaning maipasok ito, na ikinagalit ng suspek sabay hugot ng dalang ice pick at pinagsasaksak ang una.

Matapos ang pananasak ay mabilis na tumakas ang suspek at ang biktima naman ay dinala sa naturang pagamutan.

 

Show comments