MANILA, Philippines - Sugatan ang isang pasaherong babae nang lumunÂdag sa sinakyang taxi na pinaharurot ng driver matapos na maningil ng mataas na pamasahe, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nilalapatan ngayon ng lunas sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Rhoda Velasco, 24, empleyada, taga-Pangasinan, na nagtamo ng sugat at galos sa siko at tuhod.
Samantala, hinahanting na ngayon ng pulisya ang driver na nagmamaneho ng Dorojan taxi na may plakang UVH-706.
Sa ulat na natanggap ni Chief Insp. Angelito de Juan, hepe ng Station Investigation Detective Management Branch ng Pasay City Police, ala-1:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa EDSA Avenue-Rotonda ng naturang lungsod.
Nabatid na ang biktima at ang kasama nitong si Daisy Mesina, 31, ay galing ng Ninoy Aquino International Airport matapos nilang alamin ang pag-alis ng kanyang asawang patungong Korea. Kung kaya’t sumakay sa taxi ang dalawa at nagpapahatid sa Victory Liner terminal na nasa kahabaan ng EDSA ng naturang lungsod. Habang binabaybay nila ang naturang lugar ay napansin ng biktima na ang metro ng taxi ay hindi gumagalaw kung saan napansin nitong may no.6 na ang ibig sabihin ay doble ang babayaran na papatak sa halagang P600.
Pagsapit ng mga biktima sa terminal ng bus, hindi huminto ang taxi at sa halip ay dumiretso sa isang gasolinahan sa Cabrera St. ng naturang lungsod kung saan sinisingil siya ng driver na may halong pananakot. Dahil sa takot, nagbayad sila ng P800 na may kasamang tip na P50.
Naunang bumaba ng taxi si Mesina upang alamin ang plaka ng taxi at habang ang biktimang si Velasco na nasa loob pa ng taxi at nagbabalak pa lamang bumaba ay bigla na lang pinaharurot ng driver ang sasakyan. Sa takot nito ay bigla na lang itong lumunÂdag palabas ng taxi kung saan nagpagulung-gulong ito sa kalsada na tiyempo namang walang dumadaang sasakyan kaya nakaligtas ang biktima sa tiyak na kamatayan.
Dahil dito ay agad namang nakuha ni Mesina ang pangalan at plaka ng taxi at kaagad na ini-alarma ito ng mga awtoridad.
Inatasan naman ni Chief Inspector De Juan ang kanyang mga tauhan na makipag-ugnayan sa tanggapan ng LTO
o LTFRB upang mabatid kung sino ang operator at driver ng nasabing taxi upang paÂnagutin sa insidente.