Ginang, itinumba

MANILA, Philippines - Masusing imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng  mga tauhan ng Manila Police District (MPD) hinggil sa pagpatay sa isang 45-anyos na manikurista na binaril habang nakikipag-inuman sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Dead-on-the-spot si Rizalina Terado, alyas Lina Sakang, may-asawa, ng Mag­saysay corner Sampaloc Sts., Tondo sanhi ng tatlong tama ng bala sa ulo.

Inaalam naman ng pu­lisya ang pagkakakilanlan sa suspek na tumakas matapos ang pamamaril.

Sa report ni Det. Richard Escarlan ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-8:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Magsaysay at Sampaloc Sts., Tondo, Manila.

Nakikipag-inuman ang biktima sa ilang kaibigan sa nasabing lugar nang duma­ting ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Inaalam pa ng pulisya kung siya nga ang target ng pamamaril at kung ano ang motibo ng suspek.

Show comments