Kelot kinatay sa loob ng bahay

MANILA, Philippines - Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang pagkamatay ng isang binata na pinagsasaksak ng mga hindi pa nakikilalang salarin nang umuwi sa bahay upang kumuha ng pulutan sa kanilang inuman, kamakalawa ng gabi sa Ca­loocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Me­dical Center dahil sa tinamong mga tama ng saksak ang biktimang si John Castro, 43, ng Tambakol St., ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Caloocan Police, nakikipag-inuman ang bik­tima sa mga kapitbahay at barkada dakong alas-11:40 ng gabi nang magpaalam na uuwi upang kumuha ng mapupulutan sa kanyang bahay.

Nakarinig na lamang ang mga kainuman at kapitbahay ng sigawan at kalabugan sa bahay ng biktima hanggang sa maaninag na lumabas ang ilang lalaki at nagmamadaling tumakas. Bumungad naman ang katawan ni Castro na naliligo sa sariling dugo nang puntahan ng mga kaanak.

Blangko naman ang pu­lisya sa motibo at pagkaka­kilanlan ng mga salarin dahil sa walang lumalantad upang maging saksi. Inaalam naman ng pulisya kung sino-sino ang mga nakainuman nito upang maisailalim sa imbestigasyon.

Show comments