MANILA, Philippines - Sinabayan ng protesta ng mga militanteng grupo ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan na isinentro sa kontrobersyal na multi-bilyong pork barrel scam.
Alas-2:00 ng hapon unang nagtipun-tipon ang mga raliyista sa Mabuhay Rotonda sa Quezon City bitbit ang isang tarpaulin na may larawan ng mga senador, kongresista at miyembro ng gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino na umano’y guilty sa anoÂmalya at dapat ikulong.
Ang ilan naman ay naggrupo sa may Liwasang Bonifacio sa Maynila at nagsalubong patungo sa Mendiola.
Isang malaking effigy ng baboy na lulan sa isang trak ang ibinaba ng mga militante na umano’y sumisimbulo sa kontroÂbersiyal na pork barrel.
Kabilang sa halos 200 militanteng unang dumaÂting ang grupo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at mga miyembro ng Gabriela na nakasuot pa ng pulang t-shirt. May ilan pang nakaÂsuot ng damit ng katipunero at may dalang kunwari’y tabak at bolo.
Isang malaking tarpaulin pa ang bitbit ng ilang militante sa Liwasang Bonifacio na nananawagan ding ikulong ang mga nagnakaw sa pera ng bayan.
Bantay sarado naman ang pulisya sa mga raliÂyista. Inilatag din ang barbed wire sa Mendiola.
Ayon sa naturang grupo, layunin ng kanilang pagÂkilos na ipanawagan ang paglusaw sa pork barrel system at isisi kay Pangulong Noynoy Aquino ang umanoy pagko-cover-up sa pork barrel mess.
Binigyang-diin naman ng PAGPAG Pork Barrel o Pagkakaisa at Paglaban ng Maralita sa Pork Barrel na walang tunay na kalayaan sa bansa hanggang ang nakararaming bilang ng mga Pilipino ay biktima ng korapsiyon at pagmamaÂlabis ng pamahalaan.
Kinondena rin ng grupo ang kahirapan ng may milÂyun-milyong pamilya na ngayon ay wala ng makain sa nakalipas na tatlong buwan batay na rin anila sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) mula sa 17.8 percent na respondents nationwide.
Kinastigo din ng naturang grupo ang naging mas miserableng pamumuhay ng mga pamilyang walang tahanan sa Metro Manila na nailipat sa mga relocation sites ng pamahalaan dahilan sa wala silang mapagkunan ng ikabubuhay doon at hindi maramdaman ang tunay na serbisyo ng pamahalaan.