Paglilipat ng Phil. Children’s Medical Center, pinapipigil

MANILA, Philippines - Nanawagan kay Pa­ngulong Noynoy Aquino at Health Secretary Enrique Ona ang mga doctor, nurses­, staff at mga pasyente ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC), gayundin ng iba’t ibang samahan tulad ng ‘Akap Bata’ para pigilan ang paglilipat ng naturang pagamutan sa compound ng Lung Center of the Philippines­.

Bilang pagtutol sa na­turang hakbang ay inilunsad kahapon ng naturang samahan ang ‘Save PCMC Alliance’ para hadlangan ang planong ito ng pamahalaan.

Sinasabing handa na ang DOH na alisin ang PCMC sa loob ng 3.7 ektaryang lupain sa kanto ng Quezon Avenue at Agham Road sa Quezon City para mailipat sa compound ng Lung center.

Ayon sa naturang grupo, oras na mailipat sa ibang lugar­ ang PCMC, magla­laho na ang maganda nitong serbisyo at magreresulta ito ng hindi maayos na kalagayan ng mga pasyente.

Anila, hindi ligtas sa mga may sakit na kabataan ang Lung Center compound lalo pa nga’t ang mga ginagamot doon ay may mga naka­kahawang sakit bukod sa maliit na espasyo lamang ang maibibigay na lugar sa PCMC para sa maraming batang pasyente doon.

Sa ngayon, ang PCMC ay gumagamot sa may 80,000 out-patient at  55,000 admissions taun-taon. Ito rin ang pinakamalaking tertiary child care center sa bansa na pinangangasiwaan ng DOH sa loob ng 34 na taong operasyon nito.

Ang PCMC ay espes­yalista sa panggagamot ng sakit na cancer at mga naka­kahawang sakit ng mga bata.

 

Show comments