5-katao patay sa sunog

Inaapula ng mga miyembro ng pamatay-sunog ang nagliliyab na gusali sa panulukan ng Sto. Niño St. sa Delpan, Tondo, Manila kahapon ng madaling-araw kung saan lima-katao ang namatay. KUHA NI BERNARDO BATUIGAS

MANILA, Philippines - Lima-katao kabilang ang dalawang estudyante ang naiulat na namatay matapos masunog ang dalawang palapag na commercial-residential building sa bahagi ng Tahimik Street sa Delpan, Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw. 

Sa imbestigasyon ng Manila Fire Department, bandang alas-3:56 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng gusali na pag-aari ni Wilson Villanueva sa #870 Sto. Niño Street sa nasabing lugar.

Kabilang sa mga namatay ay ang mag-utol na Joana Raceth dela Cruz, 21; Jamaica dela Cruz, 17, kapwa apo ng may-ari ng tindahan na kagagaling lamang sa Aklan upang mag-aral sa Maynila; isang alyas Shane, 21, kaibigan ni Razeth na maghahanap ng trabaho; Junjun, 16, tindera; at si Tintin, tindera sa groserya ni Villanueva.

Nabatid na sa isang kuwarto sa ikalawang palapag ng gusali ay magkakasamang natutulog ang mga biktimang sina Joana, Jamaica, at si Shane habang sa isang silid sa ikalawang palapag  naman si Junjun.

Samantala, nakaligtas naman kay kamatayan ang kamag-anak ng pamilya Villanueva na si Albert Andrade na sinasabing naki­tuloy sa kapitbahay at ang dalawang  houseboy na sina Marvin Prado at Ronald Bolivar na tumalon sa terrace matapos na hindi mabuksan ang naka-locked na pintuan kung saan nakulong ng apoy ang mga biktima.

Ang mga bangkay ng mga biktima ay natagpuan ng mga bombero sa unang palapag matapos na  gumuho ang itaas na bahagi ng bahay.

Natagpuan naman malapit sa palikuran sa unang palapag ng gusali ang bangkay ni Tintin.

Ayon sa dalawang househelper,  pasado alas-3 na ng madaling araw nang magsara ang mini-grocery at nagising na lamang sila na makapal na ang usok at gumagapang  na ang apoy.

Pinilit pa nilang buksan ang kuwarto ng mga kasamahan upang gisingin subalit nakakandado.

Naapula ang sunog bandang alas-5 ng umaga kung saan umabot sa ikatlong alarma habang patuloy naman ang pagsisiyasat.

Show comments