Bus driver nag-amok, binoga ng pulis

MANILA, Philippines - Nakikipaglaban kay kamatayan ang bus driver na sinasabing nag-amok makaraang barilin ng pulis na rumesponde sa naganap na karahasan malapit sa Caloocan City Hall kahapon ng tanghali.

Naisugod naman sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Antonio Curib, driver ng First North Luzon Bus (UYA-836). 

Sa inisyal na ulat ng Caloocan PNP,  nagwala ang biktima dahil kinukupkop ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanyang mag-ina.

Bago maganap ang insidente, pabalagbag na ipinarada ni Curib ang minamanehong bus sa panulukan ng 10th Avenue at A. Mabini St. kung saan pinigilan ito ng mga security guard at traffic enforcers ngunit nagpumilit pa rin at nagsimulang magwala.

Humingi naman ng tulong ang mga security guard kay PO3 Rodelio Andales ng Police Community Precinct 2 kung saan tinangkang payapain subalit inundayan ng saksak ng suspek ang pulis ngunit nakailag ito.

Pinaputukan naman ng pulis ang nagwa­walang si Curib kung saan tinamaan sa kanang braso na tumagos sa tiyan.

Napag-alaman sa imbestigasyon ni SPO3 Joel Montebon ng Investigation Division, ki­nupkop ng DSWD ang asawa at anak ni Curib matapos maglayas ang mag-ina dahil sa matinding kalupitan ng suspek.

Inaalam pa ng pulisya kung nasa ilalim ng impluwensiya ng bawal na gamot si Curib nang isagawa ang pagwawala habang nakatakdang sampahan ng mga kaukulang kasong kriminal.

 

Show comments