Lolo na-heat stroke sa bus terminal

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang na-heat stroke dahil sa matinding init ng panahon kaya namatay ang 61-anyos na lolo sa bus terminal sa Pasay City kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang biktima sa pamamagitan ng driver’s license  na nakuha rito na si Ruben Barrios ng #1512 3rd Street sa Paco, Manila.

Sa imbestigasyon nina SPO2 Joel Landicho at PO2 Mario Golondrina ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay City PNP, naganap ang insidente sa DLTB Bus Terminal sa pa­nulukan ng Donada Street at Gil Puyat Avenue sa na­turang lungsod.

Huling namataang buhay ang biktima na nakasakay sa DLTB Bus na dumating ng terminal bandang alas-9:10 ng umaga mula sa mga bayan ng Lian, Nasugbu, Batangas.

Subalit namataan ng guwardyang si Emerson Nagal na nakahawak ang biktima sa tiyan at nanghihina, kaya  kaagad niyang pinuntahan ito upang asistihan.

Ayon sa biktima, ina­atake siya ng high blood kaya uminom ng gamot at inalalayan ito ni Nagal na magpahinga sa open space ng bus terminal.

Gayon pa man, ilang oras ang nakalipas ay napansin ng guwardya at ilang kawani ng terminal na hindi na gumagalaw ang biktima kung saan idineklarang patay sa ospital.

Show comments