MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang selos ang isa sa motibo kaya napatay ang 20-anyos na tindera matapos saksakin ng dating ka-live-in sa loob ng burger stand sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Namatay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Jerica Sioco, tindera ng Burger Machine, ng B-5 BoniÂfacio Street, Magsaysay Village sa nabanggit na lugar.
Kasalukuyan namang nakakulong sa MPD Homicide Section ang suspek na si Richard Ryan Reyes, 28, live-in partner ng biktima at residente ng #731-D, Pampanga Street sa Gagalangin, Tondo.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo, bandang alas-5:30 ng umaga nang naganap ang krimen sa harap ng MPD Station 2 sa panulukan ng Juan Nolasco Street at Morga Street.
Nabatid na naabutan ng suspek ang biktima na pinapaypayan ang karelasyong pulis sa loob ng burger stand at bago siya nakalapit ay mabilis na umalis ang pulis.
Nabatid din na nagmamakaawa ang suspek sa biktima na bumalik na sa kanya upang maalagaan ang kanilang anak.
Gayon pa man, nagmatigas ang biktima hanggang sa nauwi sa pagtatalo ang pag-uusap kung saan nagdilim ang pag-iisip ng suspek kaya pinasok niya ang loob ng burger stand saka sunud-sunod na sinaksak ang babae.