Libreng tikim ng iligal na droga: University Belt tututukan vs drug syndicates

MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AID-SOTF) sa modus operandi ng mga sindikato sa promong free taste ng illegal na droga sa mga estudyante sa mga university belt kaugnay ng pagbubukas ng klase sa susunod na linggo.

Ayon kay P/Senior In­­s­pec­tor Roque Merdeguia, hepe ng Legal Affairs ng PNP-AID-SOTF, upang makapasok ang drug syndicates sa mga tinatarget na unibersidad, kolehiyo at maging ang mga secondary school na gagamitin ng mga itong bagsakan ng illegal na droga ay may gimmick na pa-promo sa mga estudyante.

“Kung may free taste na pakulo ang drug syndicates sa mga estudyante ay madaling mahuhulog sa bitag para magumon sa masamang bisyo,” pahayag ni Merdeguia.

Samantala, naalarma rin ang PNP-AID-SOTF  na mas madaling mahikayat ng mga sindikato ng droga ang mga estudyante sa high school level dahil nasa ganitong estado ng mga kabataan na halos gustong tikman tulad ng paniniga­rilyo, alak at ang bawal na droga.

Dahil sa nakalap na impormasyon na muling mamamayagpag  ang mga sindikato ng droga na target ang mga university belt, ipinag-utos ni PNP-AID-SOTF Chief P/Senior Supt. Bartolome Tobias ang paglulunsad ng mas pinalakas na operasyon.

Puntirya rin ng sindikato ang mga estudyante na ginagamit na courier ng droga sa loob at labas ng mga campus ng uniber­sidad at kolehiyo.

Kasabay nito, hinikayat ni Tobias ang mga school administrator na makipagtulungan para agad na maaksyunan ang pagkalat ng droga sa mga eskuwelahan.

 

Show comments