Miyembro ng ‘Salisi gang’ timbog

MANILA, Philippines - Arestado ang isang miyembro ng “Salisi gang” matapos nitong tangayin ang isang laptop ng isang supervisor ng isang coffee shop sa Makati City kahapon.

Nakakulong ngayon sa Makati City Police detention cell ang suspek na si Lito Javier, 58, ng Sta. Cruz, Manila.

Kinilala naman ang biktima na si Paolo Maria Nebab, ng  #120 Isabel St., Barangay Putatan, Muntinlupa City, supervisor ng Yardstick Coffee Shop, na matatagpuan sa Esteban St., Legazpi Village, Makati City.

Lumalabas sa pagsisiyasat ni PO3 Anthony Ababa, ng Theft and Robbery Section, Station Investigation and Detective Management Section, Makati City Police na  naganap ang insidente alas-12:15 ng tanghali  sa nabanggit na coffee shop.

Nakikinig ng music ang biktima mula sa kanyang Le­novo laptop na nagkakahalaga ng P25,000.00 nang magulat ito nang biglang mawala ang tugtog. 

Isa sa mga staff ng coffee shop na nakapansin na lumabas ang suspek at may dala itong laptop na nakabalot ng  dyaryo at kaagad na ipinagbigay alam ng biktima sa security guard ang insidente.

Dito ay hinabol ng nakatalagang guwardya ang suspek hanggang sa naabutan niya ang lalaki na dala nga nito ang laptop ng biktima.

Kaagad na inaresto  ng guwardya ang suspek at  dinala ito sa himpilan ng Makati City Police at sinampahan ito ng kasong theft.

 

Show comments