MANILA, Philippines - Malamang na umabot pa ng buwan ng Hulyo ang pagdinig sa Taguig City Regional Trial Court (RTC) hinggil sa motion for bail ng grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo kaugnay sa kasong serious illegal detention na isinampa laban sa kanila ng TV host/actor na si Vhong Navarro.
Halos pitong oras na nasa loob ng court room ng Taguig City RTC, Branch 271 sina Navarro at grupo nina Cedric at Deniece para sa pagdinig hinggil sa motion ng mga akusado, kung saan nag-umpisa ito ng ala-1:30 ng hapon hanggang alas-10:30 ng gabi ng Biyernes (Mayo 16).
Tinapos lamang ang cross examination ng depensa kay Navarro at wala namang nailabas na desisyon ang korte hinggil sa mosyon ng mga akusado. Muling tinakda ang pagdinig sa darating na linggo.
Sa naturang pagdinig ay nagpang-abot umano ang abogado ni Navarro na si Atty. Alma Mallonga at ang 63-anyos na lola ni Deniece na si Florencia Cornejo.
Inirereklamo ni Lola Florencia si Atty. Mallonga dahil kinompronta at sinaktan umano siya ng naturang abogada, dahil sa statement na nakasulat sa suot nitong t-shirt.
Nakasuot kasi ang matanda ng t-shirt na nakasulat ang katagang “Justice for Deniece, Jail The Rapist†katulad ng suot ni Cornejo at maging ng tiyuhin nito na si Rufino Co.
Kwento ni Lola Florencia, nag-recess ang pagdinig at nasa hallway ito malapit sa CR nang kinalug-kalog umano ito ng abogada.
Kung kaya’t maghahain umano siya ng criminal offense na unjust vexation at administrative case laban kay Mallonga.
Ngunit iginiit naman ng abogada na hindi totoong sinaktan nito ang matanda.