MANILA, Philippines - Apat katao na itinuturong may kinalaman sa pagpaslang at pagsilid sa sako at kahon sa isang food supervisor ang nadakip ng mga tauhan ng Valenzuela City Police sa ginawang follow-up operation, kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang mga nadakip na sina Remcey Flores, 26, food handler ng Mang Bok’s Lechon Manok sa MacArthur Highway, Malanday, ng naturang lungsod, residente ng Bundukan, Bulacan at mga kasabwat na inisyal na nakilala sa mga alyas Edward, Jay-Ar at Pao-Pao.
Sa ulat ng pulisya, mataÂtandaan na dakong alas-11 ng umaga noong Mayo 14 nang matagpuan ang bangkay ni Leonardo Baris, 32, supervisor ng naturang tindahan.Nakita ang bangkay nito na ipinasok sa isang sako at pinagkasya sa isang kahon sa banyo ng restoran.
Lumalabas naman sa imbestigasyon na noong gabi ng Mayo 12, nakitang aaligid-aligid ang suspek na si Pao-Pao sa tapat ng Mang Bok’s bago tuluyang mawala si Baris.Unang nadampot ng mga pulis sa ikinasang operasyon si Pao-Pao na umamin sa krimen.
Napilitan ang suspek na makipagtulungan sa mga pulis nang padalhan niya ng text messages ang mga kasabwat na may pera pa silang paghahatian at sinabihan na magkita sila sa may Sta. Maria, Bulacan.
Nagsilutangan naman ang tatlo pang suspek dakong alas-5:30 kahapon ng madaÂling-araw at agad na inaresto ng mga nakaabang na mga pulis.
Nang isailalim sa imbestigasyon, inamin umano ni Flores ang krimen at siya ang naglagay ng “silver cleaning solution†sa inuming ibinigay sa biktima. Nang umepekto ito at mahilo ang biktima, dito hinampas ng suspek sa ulo si Baris gamit ang isang fire extinguisher.
Tumulong din ang mga kasabwat nito upang maÂisako at maisilid sa kahon ang biktima sa loob ng banyo ng Mang Bok’s saka iniwan at pinaghatian ang hindi pa mabatid na halaga ng benta sa loob ng dalawang araw ng restoran.
Sinabi pa ni Flores na naghanda pa siya ng isang palakol ngunit hindi na niya nagamit. Labis umano ang galit niya kay Baris dahil sa palagi na lamang siyang nasisita sa trabaho.