MANILA, Philippines - Nabigo ang isang grupo ng mga holdaper na mabiktima ang sasakyan ng may-ari ng money changer nang hindi tablan ng mga putok ng baril ang bullet proof na sasakyan nito sa may P. Burgos St., sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nabatid na una nang napaulat na may ambush na naganap sa nasabing lugar subalit kinumpirma ni P/Supt. Rolando Macapaz, hepe ng Manila Police District-station 5, na rumesponde sa lugar ang kaniyang mga pulis na wala nang dinatnang biktima kaya inakalang may namaril dahil sa gitgitan sa trapik o insidente ng ambush.
Sa ulat minamaneho ng driver na si Leyland Mendoza, ng Edzen Money Changer, kasama pa ang dalawang ka-empleyado ang Mitsubishi Strada may plakang TOL-447 ng kompanya nang pagsapit sa tapat ng Planetarium sa P. Burgos St. ay dinikitan ng apat na suspek na lulan ng kulay green na Toyota Revo na walang plaka pasado alas 4:00 ng hapon.
Kahit flat na umano ang gulong nang pagbabarilin ang kanilang sasakyan, hindi nasiraan ng loob ang driver at patuloy na pinatakbo ang sasakyan upang makaiwas sa mga suspek.
Pinaniniwalaang tinanÂtanan na lamang ng mga suspek ang paghabol nang makitang nagpasaklolo na sa mga pulis ang ginang.
Magugunitang noong nakalipas na taon ay tinangka ring holdapin ang nasabing sasakyan subalit hindi umano tinablan ng bala kaya tumakas na lamang ang mga holdaper.
Mismong ang lalaking may-ari ng nasabing money changer ang kumumpirma na dahil sa dami ng beses silang nahoholdap, ipinasadya nilang ipa-convert sa bullet proof o armoured car ang Mitsubishi Strada.