2 holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Dalawang hinihinalang holdaper ang nasawi makaraang makaengkuwentro ang tropa ng pulisya matapos ang isinagawang pang­hoholdap sa isang pampasaherong jeepney sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, pawang walang pagkakakilanlan sa mga napatay na suspek na nakuhanan ng mga dalawang kalibre .38 baril.

Isinalarawan ang isa sa mga nasawi sa pagitan ng edad na 35-40, may taas na 5’2’’, nakasuot ng kulay pulang t-shirt, at six pocket na short pants, katamtaman ang katawan. Habang ang isa na nakasuot ng dilaw na t-shirt, itim na short pants, payat ang pangangatawan, at may ka­itiman ang balat.

Sa ulat ni PO2 Louie Serbito, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Aurora Blvd. corner Betty Go-Belmonte St., Brgy. Mariana­, ganap na ala-1:30 ng ma­daling-araw.

Bago ito, isang jeepney (UVH-71) na minamaneho ni Joel Gumaob, sakay ang limang pasahero, ang hinoldap ng tatlong suspek sa may bahagi ng Seattle St.

Nang makuha ang pakay, mabilis na nagsipagbabaan ang mga suspek sa lugar, subalit tiyempo namang naka­parada sa may Hemady ang isang mobile patrol car sakay sina PO3 Renandang Masi­ding at PO1 Ryan Aguila­ at napuna ang insidente saka rumesponde.

Pero hindi pa umano nakakalapit ang mga awto­ridad ay biglang pinaputukan sila ng mga suspek dahilan para gumanti ang mga ito  hanggang sa bumulagta ang dalawang suspek, habang nakatakas naman ang isa pang kasamahan ng mga ito.

Narekober sa tabi ng mga suspek ang tig-isang paltik na kalibre .38 baril, sling bag na naglalaman ng iba’t ibang identification card, at cellphone.

 

Show comments