Kotse salpok sa pader: 2 patay

Ang isa sa dalawang nasawi sa naganap na aksidente­ sa C-5 road sa Taguig kahapon ng madaling-araw. (Kuha ni JOVEN CAGANDE)  

MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang dalawa katao habang sugatan ang tatlo  nilang kasama matapos sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa isang pader kahapon ng madaling araw sa Taguig City.

Kinilala ng Taguig City Traffic Management Office ang da­lawa na sina Fiona Athena Manalo at Carl John Alamo.

Nilalapatan naman ng lunas sa Taguig-Pateros District Hospital ang mga sugatang biktima na  sina John Carlo Mariano, driver ng kotse; Jayme Pardinas, at Robert Roa, na pawang 19-anyos.

Nabatid kay  Rizaldy Enaje, ng Taguig City Traffic Management Office, nang maganap ang aksidente sa north bound  lane ng kahabaan ng C-5 Road, ng naturang lungsod.

Napag-alaman na galing sa service road ang kotseng sina­sakyan ng mga biktima na may plakang TSG-287 na minama­neho ni Mariano na humaharurot dahilan upang sumalpok ito sa pader.

Sa lakas ng impact kaya’t dere-deretso at nagpagulong-gulong ang naturang sasakyan hanggang sa humampas ito sa center island.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ng ilang metro ang dalawang biktima na naging dahilan ng agarang kamatayan ng mga ito.

Nabatid pa na nakarekober ang mga awtoridad mula sa sasakyan ng  baril, kutsilyo at mga bala.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at inaalam ng mga ito kung ano ang mga aktibidades ng mga biktima at kung bakit sila nagmamadali  na naging dahilan upang sila’y maaksidente.

 

Show comments