Kotse humampas sa C5 Road; 2 patay

MANILA, Philippines - Patay ang dalawang hindi pa kilalang lalaki habang sugatan ang tatlo pa nilang kasama matapos humampas ang kanilang kotse sa center island sa kahabaan ng C5 Road sa Taguig City nitong Lunes ng madaling araw.

Nakilala ang tatlong sugatang biktima na sina John Carlo Mariano, Jaime Partinas at Robert Roa, pawang 19 anyos.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng kotse ng mga biktima habang binabagtas ang service road at nang papasok na sa C5 Road ay bigla itong nawalan ng kontrol hanggang humampas sa center island.

Nagpagulung-gulong ang kotse, dahilan upang tumilapon ang dalawa sa mga sakay nito.

Bukod sa mga sugatan at bangkay ng dalawang hindi pa kilalang lalaki, nakakuha ang mga pulis ng isang baril, mga bala at patalim sa sasakayan.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente.

Show comments