MANILA, Philippines - Nalaglag sa kamay ng batas ang isang babaeng nakaÂtangay ng P150,000 kapalit ng pekeng desisyon sa annulment ng kasal nang magtangkang humingi pa ng karagdagang P100-libo sa biktima sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City.
Kinilala ni NBI Director Virgilio Mendez ang suspek na si May Tazaro, ng Kaingin St., Malolos City, Bulacan.
Si Tazaro ay inaresto matapos dumulog sa NBI ang isa sa biniktima nito na si Rolando Collantes Barcelona, na matapos siyang alukin ng suspek na makakakuha ng pabor na desisyon sa annulment ng kasal ng kaibigan ay natuklasang peke pala ang ibinigay na dokumento nang iberipika sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Hulyo 2013, nakilala ni Barcelona ang suspek at isang Lene Alinsonod nang dalawin sila sa kanyang opisina sa Pasay City kung saan nabanggit ni Tazaro na may kakayahan siyang mag-ayos ng annulment ng kasal.
Dahil interesado umano sa pagpapa-annul ang isang alyas Joseph na kaibigan ni Barcelona, kinumbinsi niya ito at nagbigay umano ng nasabing halaga sa suspek.
Nangako ang suspek na maayos ang annulment ng kasal ni Joseph sa Disyembre 2013 at naibigay naman ang desisyon sa nasabing petsa na nagmula umano sa RTC Branch 85, ng Malolos City court na di naglaon ay napag-alamang peke pala.
Nitong huling Linggo ng Abril 2014, tinawagan ni Tazaro si Barcelona at hinihingi pa ang P100,000 kung saan nagkasundo ang dalawa na magkikita sa loob ng Harrison Plaza at doon na ipinaalam ni Barcelona ang plano at ikinasa ang entrapment.
Huli ang suspek sa pagtanggap ng marked money.
Kasong Swindling (Estafa) sa ilalim ng Art. 315 ng Revised Penal Code ang inihain laban sa suspek.