MANILA, Philippines – Pinagbabayad ng Land Transportation Office ng P1,000 ang nagmamaneho ng sports car na nag-overtake sa convoy ni Pangulong Benigno Aquino III sa kahabaan ng Skyway noong Abril 14.
Sinabi ni LTO Law Enforcement Service chief Director Mohammad Lamping na ang naturang halaga ay para sa reckless driving.
Inaprubahan din ni Lamping ang rekomendasyon ni LTO Intelligence and Investigation Division officer in charge Roberto Valera na dumalo sa seminar at kumuha ng pagsusulit ang nagmamanehong si Jeffrey Roxas-Chua. Inirekomenda rin ni Valera na suspendihin ang lisensya ni Roxas-Chua.
Ayon sa mga ulat, nang parahin si Roxas-Chua ng pulis dahil sa reckless driving at malaman na ang convoy ni Aquino ang nilampasan, inihayag niyang kakilala niya sina Vice President Jejomar Binay at Manila City Mayor Joseph Estrada.
Una nang sinabi ni Binay na hindi niya kilala si Roxas-Chua at inirekomendang kasuhan ang driver.
Pinabulaanan din ni Roxas-Chua na binanggit niya ang pangalan ni Binay at Estrada.
"Whatever the media said that I said, is truly false. Have hard evidence to prove it (video). It's actually a very juicy video. I'm not the type to name-drop people I do not know," wika ni Roxas-Chua sa isang ulat ng motoring magazine website na Top Gear.